Pormal nang nilagdaan ng Bureau of Corrections at ng Integrated Bar of the Philippines ang isang Memorandum of Agreement para sa pagpapatupad ng Unified Legal Service na layong magbigay ng de-kalidad na tulong hukumang para sa mga kuwalipikadong Persons Deprived of Liberty na nasa ilalim ng kustodiya ng BuCor.
Ang makasaysayang kasunduan ay pinangunahan nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at IBP National President Atty. Allan G. Panolong sa isang simpleng seremonya na idinaos sa New Conference Room ng BuCor sa Lungsod ng Muntinlupa ngayong araw.
Ayon kay Catapang, pangunahing layunin ng MOA na isulong ang mabilis na akses sa katarungan at proteksyong legal ng mga PDL. Inaasahan din na sa pamamagitan nito ay mapapadali ang mga legal na remedyo na makatutulong sa pagpapababa ng sentensya at decongestion o pagbabawas ng siksikan sa mga penal colony, kasabay ng pagsasa-institusyon ng legal aid services sa loob ng mga pasilidad ng BuCor.
Sa ilalim ng pagtutulungang ito, mag-aalok ang IBP ng malawak na serbisyong legal na sadyang idinisenyo para sa pangangailangan ng mga PDL. Kabilang dito ang representasyon at payo sa mga apela at post-conviction remedies, gayundin ang tulong sa mga petisyon para sa commutation of sentence, pardon, parole, at executive clemency.
Susuportahan din ng IBP ang mga PDL sa paghahain ng mga petisyon para sa habeas corpus at iba pang extraordinary writs upang matiyak na kinikilala at iginagalang ang kanilang mga karapatan. Sakop din ng kasunduan ang mga aplikasyon kaugnay ng Good Conduct Time Allowances, preventive imprisonment credit, at time allowances para sa mga aktibidad gaya ng pag-aaral, pagtuturo, at mentoring sa loob ng piitan.
Bukod sa mga PDL, binigyang-diin din sa MOA ang capacity-building para sa mga empleyado ng BuCor. Magsasagawa ang IBP ng mga legal seminar at programang pang-edukasyon upang itaas ang kamalayan at pag-unawa ng mga kawani sa mga legal na usaping may kaugnayan sa operasyon ng bilangguan.
Sa panig naman ni Atty. Panolong, sinabi niyang ang kasunduang ito ay patunay na ang batas ay sandata ng mga mahihirap at mahihina. Binigyang-diin niya ang hangaring ilapit ang serbisyo ng IBP sa publiko, lalo na sa mga salat sa buhay. Ayon sa kanya, ito ang patunay na sa Pilipinas, ang hustisya ay umiiral at makatarungan para sa lahat.
