Muling binuhay ni Senador Robin Padilla ang panawagan para sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa matapos ang isang nakakangilabot at hindi makataong pag-atake sa isang limang taong gulang na bata na milagrong nabuhay sa kabila ng tinamong mga sugat na nangyari sa Navotas City.
Sa isang matapang na pahayag, idinetalye ng senador ang karumal-dumal na sinapit ng biktima.
Ayon kay Padilla, ang bata ay hinampas ng bato sa mukha, ginilitan sa leeg, at malupit na binuksan ang tiyan kung saan inilabas pa ang mga bituka nito bago itinapon sa basurahan.
Dahil sa tindi ng karahasang ipinamalas ng salarin, kinuwestiyon ng senador ang mga patuloy na tumututol sa death penalty, kahit pa nakaligtas ang biktima sa naturang krimen.
“Kailangan pa ba pagtalunan kung bakit dapat ibalik ang parusang kamatayan?” giit ni Padilla.
Para sa senador, ang ganitong uri ng pagtatangka sa buhay at sadismo ay sapat nang dahilan upang magkaroon ng mas mabigat na parusa na magsisilbing babala sa mga kriminal.
Naniniwala si Padilla na ang parusang kamatayan ang nararapat na tugon sa mga taong wala nang takot sa batas at wala nang pagpapahalaga sa buhay ng kapwa, lalo na sa mga inosenteng bata na dumanas ng ganitong uri ng paghihirap.
