Photo credit: Former congressman Jing Paras/FB
Nagpahayag ng matinding pagdududa si dating Congressman Jing Paras kaugnay ng napaulat na “safe passage deal” sa pagitan ng Pilipinas at Iran na magpapahintulot umano sa mga oil tanker na dumaan sa Strait of Hormuz.
Sa isang pahayag, diretsahang tinanong ni Paras kung mayroon nga bang mga tanker ang Pilipinas na aktwal na naglalayag sa naturang ruta.
Ayon sa dating mambabatas, ang alam ng nakararami ay umaangkat lamang ang Pilipinas ng suplay ng langis at mga produktong petrolyo mula sa Singapore at iba pang karatig-bansa, at walang direktang importasyon mula sa Iran o iba pang bansa sa Middle East.
“Kailan pa ba tayo nagkaroon ng mga barko o tanker na dumadaan dyan? Di ba pangbubudol na naman ito?” ani Paras.
Bukod sa ruta ng langis, kinuwestiyon din ni Paras ang kredibilidad ng naging katiyakan mula sa Iranian Ambassador.
Binigyang-diin niya ang kumplikadong istruktura ng gobyerno sa Iran, kung saan may iba’t ibang paksyon at liderato tulad ng Ayatollah, ang Presidente ng Iran, at ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC).
Nais malaman ni Paras kung kaninong panig nag-uulat ang nasabing Ambassador at kung may awtoridad ba talaga itong magbigay ng garantiya.
Hinimok din niya ang pamahalaan na ipakita ang opisyal na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Iran na aprubado ng gobyerno sa Tehran.
Babala ni Paras, kung walang konkretong dokumento, baka muli na namang maiwan sa “pansitan” ang bansa at maloko ng mga pangakong walang basehan.
