Itinuturing ni Senador Win Gatchalian na isang “major win” para sa pambansang seguridad sa enerhiya ang pangako ng bansang Iran na papayagan ang ligtas na pagdaan ng mga oil tanker na patungo sa Pilipinas sa Strait of Hormuz.
Ayon sa senador, ang pagtiyak sa isang ligtas na maritime corridor ay ang tanging praktikal na paraan upang mapataas ang fuel reserves ng bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang tagumpay na ito ay bunga ng epektibong diplomasya na kaniyang matagal nang isinusulong.
Pinuri rin ng senador ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Energy (DOE) dahil sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksyon upang makuha ang nasabing kasunduan.
Aniya, ang development na ito ay nagbibigay ng pag-asa at kumpiyansa na hindi gaanong lulubog ang ekonomiya ng bansa dahil sa gulo sa Middle East, na direktang makikinabang ang mga konsumer na Pilipino.
Umaasa si Gatchalian na ang kasunduang ito ay magsisilbing malaking tulong upang matiyak na sapat ang suplay ng langis sa bansa sa mga darating na buwan.
Gayunpaman, tiniyak ng senador na hindi hihinto ang Senado sa paghahanda.
Patuloy niyang isusulong ang mga contingency action plans sa ilalim ng Senate PROTECT upang magkaroon ng sapat na proteksyon ang mga mamamayan laban sa epekto ng nagpapatuloy na giyera sa labas ng bansa.
