REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang lalaki na wanted sa kaso ng pang*g*hasa sa isang menor-de-edad nang maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng madaling araw.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na naispatan sa a lungsod ang presensya ng 46-anyos na akusado na nakatala bilang No. 5 Top Ten Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.
Dahil dito, agad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang pagtugis sa akusado hanggang sa makorner ito sa Brgy., Malinta dakong ala-1:10 ng madaling araw.
Hindi na nakapalag ang akusado nang damputin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela Regional Trial Court, Branch 270, para sa kasong Rape under Article 266-A of the Revised Penal Code in relation to R.A. 7610, na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang utos mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail ng Valenzuela. (JUVY LUCERO)
