Inaasahang mas magiging madali na ang pag-access sa libre at de-kalidad na rehabilitation services para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) matapos ang pormal na paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Science and Technology–National Capital Region (DOST-NCR), Project EMPOWER, at INDIBA Philippines nitong Marso 24, 2026.
Ang pagtitipon, na ginanap sa Century Diamond Tower, ay hudyat ng mas matatag na kolaborasyon upang maghatid ng siyentipikong solusyon para sa mga nangangailangan.
Ang inisyatibong ito ay ipatutupad sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program ng DOST.
Layunin ng pakikipagtulungan na ilunsad ang isang free adaptive fitness and rehabilitation program na tututok sa pagbibigay ng tuluy-tuloy na pangangalaga para sa mga benepisyaryong madalas humihinto sa pagpapagamot dahil sa kakulangan ng pondo.
Binigyang-diin ni Project EMPOWER President John Darnell “JV” Castro na hango ang proyektong ito sa kaniyang personal na karanasan sa sakit, kung saan nakita niya ang matinding pangangailangan para sa serbisyong epektibo, libre, at hindi napuputol.
Ayon kay DOST-NCR Regional Director Engr. Romelen T. Tresvalles, ang partnership na ito ay patunay na ang agham at teknolohiya ay maaaring isalin sa mga konkretong solusyon para sa mga marginalized sectors.
Alinsunod ito sa mga programa ng kagawaran gaya ng “Agham na Ramdam,” na naglalayong iparanas ang benepisyo ng siyensya sa bawat Pilipino, lalo na sa mga underserved communities.
Sinegundahan ito ni DOST Undersecretary Engr. Sancho A. Mabborang na nagsabing ang siyensya ay dapat nagsisilbi sa lahat nang walang diskriminasyon upang mapabuti ang kalidad ng buhay sa bansa.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang INDIBA Philippines sa pamamagitan nina Chief Commercial Officer Chung-Chieh Jen at Philippine Business Director Jacqueline Y. Guerrero. Ayon sa kumpanya, layunin nilang gawing mas abot-kaya at accessible ang kanilang mga advanced rehabilitation technologies para sa mga PWD.
Sa kabuuan, ang proyektong ito ay inaasahang magbubunga ng mas malusog at mas produktibong pamumuhay para sa sektor ng PWD sa buong bansa sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at malasakit.
