Opisyal nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Martes ang isang State of National Energy Emergency sa pamamagitan ng paglalagda sa Executive Order No. 110. Ayon sa Pangulo, ang nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East ay nagdudulot ng “imminent danger” o bantang panganib sa availability at katatagan ng suplay ng enerhiya sa Pilipinas.
Ang deklarasyong ito ay mananatiling epektibo sa loob ng isang taon at naglalayong bigyan ang pamahalaan ng kapangyarihang magpatupad ng mga coordinated na hakbang upang protektahan ang ekonomiya at ang mga mamamayan mula sa epekto ng krisis sa pandaigdigang merkado.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, binuo ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na magsisilbing framework ng gobyerno sa pagtugon sa krisis. Ang UPLIFT Committee ay pamumunuan mismo ng Pangulo kasama ang mga kalihim ng DOE, DOTr, DSWD, DA, DOF, DEPDev, at DBM.
Inatasan ang Department of Energy (DOE) at ang Philippine National Oil Company (PNOC) na magsagawa ng mga kaukulang hakbang gaya ng advance payment na hihigit sa 15 porsyento para sa mga kontrata ng enerhiya, pagpapatupad ng fuel optimization plans, at mahigpit na energy conservation measures upang matiyak ang sapat na suplay sa bansa.
Kasabay nito, inutusan ang Department of Transportation (DOTr) na palawakin ang Libreng Sakay Program, pahabain ang oras ng operasyon ng mga tren sa Metro Manila, at magtalaga ng mga priority transport lanes upang mabawasan ang dependence sa produktong petrolyo.
Ang mga ahensya gaya ng DSWD, DA, at Department of Migrant Workers (DMW) ay inatasan namang pabilisin ang pamamahagi ng aid packages sa kani-kanilang sektor, habang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay tututok sa pagbabantay laban sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang deklarasyong ito ay inilabas halos isang buwan matapos isara ng Iran ang bahagi ng Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo. Bagama’t nauna nang iginiit ng administrasyon na walang “oil crisis” sa Pilipinas, ang EO 110 ay nagsisilbing tugon sa lumalalang sitwasyon sa global energy supply.
Hinihimok din ng Malacañang ang pribadong sektor na makiisa sa paggawa ng mga polisiya na magpapababa sa demand sa transportasyon habang hinihintay pa ang desisyon ng Pangulo hinggil sa mungkahi na suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis.
