Sa temang “2ID @ 50: Ang Inyong Matatag na Hukbong Katihan sa Timog Katagalugan,” madamdaming ipinagdiwang ng 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division ang kanilang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag noong Lunes, ika-23 ng Marso, sa loob ng Camp Capinpin sa Tanay, Rizal.
Pinangunahan ni Philippine Army Commanding General Lieutenant General Antonio Nafarrete ang okasyon kasama si 2ID Commander Major General Ramon Zagala, kung saan binigyang-diin ang limang dekada ng tapat na serbisyo, seguridad, at pag-unlad sa buong rehiyon ng Southern Tagalog.
Bilang bahagi ng pagpapatuloy ng modernisasyon ng dibisyon, pinasinayaan sa nasabing selebrasyon ang apat na bagong forward trucks, dalawang minibus, at dalawang bagong ayos na quarters para sa mga sundalo. Inilunsad din ang “2ID Best Practices Handbook” na naglalaman ng mga inobasyon at taktika ng mga Jungle Fighters sa kanilang mga operasyon sa loob ng maraming taon.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Major General Zagala ang sakripisyo ng mga naunang opisyal at sundalo, at pinasalamatan ang matibay na ugnayan sa mga stakeholders na naging susi sa tagumpay ng dibisyon. Binigyang-diin niya na ang kapayapaang tinatamasa sa rehiyon ay bunga ng kolektibo at magkakasamang pagsisikap ng bawat isa.
Pinuri naman ni Lt. Gen. Nafarrete ang mga nakamit na tagumpay ng 2ID at ang mahalagang papel nito sa transisyon ng Philippine Army patungo sa external security. Pinaalalahanan din niya ang mga Jungle Fighters na huwag maging kampante at manatiling handa sa anumang nagbabagong hamon sa seguridad ng bansa.
Nagtapos ang anibersaryo sa isang masayang boodle fight na sumisimbolo sa pagkakaisa ng mga pinuno, sundalo, at mga katuwang na sektor ng lipunan. Ang selebrasyong ito ay muling pagpapatibay sa sumpa ng 2ID bilang Tagapagtaguyod ng Kapayapaan at Tagapagtanggol ng Timog Katagalugan.
