Nahaharap sa matinding batikos ang Anti-Political Dynasty Bill na kasalukuyang nakasalang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa umano’y kawalan nito ng sapat na legal na kapangyarihan upang tuluyang wakasan ang paglaganap ng mga pamilyang politikal sa bansa.
Ayon sa mga kritiko sa loob ng plenaryo at mga civil society groups, ang kasalukuyang bersyon ng panukala ay maituturing na “watered-down” o pinahina kumpara sa orihinal na mungkahi nina House Speaker Bojie Dy at Majority Leader Sandro Marcos.
Binigyang-diin ng mga tumututol na ang maluwag na restriksyon ng bill ay tila nagbibigay pa nga ng legal na basehan para sa pananatili ng mga tinatawag na “fat dynasties” sa halip na buwagin ang mga ito.
Sa ilalim ng panukalang tinatampukan ni House Suffrage Committee Chair Zia Alonto Adiong, nililimitahan lamang ang pagbabawal sa mga kamag-anak sa loob ng second degree of consanguinity o affinity, kabilang ang mga asawa, magulang, anak, kapatid, at apo.
Gayunpaman, ipinunto ng mga kritiko na madali itong malulusutan ng mga politiko sa pamamagitan ng pagtakbo ng mga pinsan, tito, tita, at iba pang malalayong kamag-anak na hindi sakop ng restriksyon.
Bukod dito, pinapayagan pa rin ng House version ang pagkakaroon ng isang miyembro ng pamilya sa bawat antas ng gobyerno—nasyonal, probinsya, at lungsod—pati na ang sabay-sabay na pag-upo ng maraming magkakamag-anak bilang mga kongresista.
Ipinagtanggol naman ni Adiong ang panukala sa pagsasabing ang paglimita sa second degree ay base sa rekomendasyon ng COMELEC upang maiwasan ang “logistical nightmare” sa pag-verify ng mga relasyon.
Iginiit din niya na dapat balansehin ang pagbabawal sa dinastiya at ang karapatan ng bawat mamamayan na mahalal at iboto ang nais nila nang walang diskriminasyon.
Bagaman may pag-aaral na nagsasabing higit 9,000 lokal na posisyon ang maaaring maapektuhan ng batas na ito, nananatiling duda ang marami kung tunay bang mababago nito ang mukha ng politika sa Pilipinas o magsisilbi lamang itong palamuti sa Saligang Batas.
