Lalo pang hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang presensya sa mga palengke at grocery stores sa buong bansa. Ito ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa mga mamimili.
Ang deployment ng mga yunit ng pulisya ay naglalayong pigilan ang hindi awtorisadong pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at sugpuin ang profiteering na bunsod ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., ang operasyong ito ay isinasagawa katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang katatagan ng presyo sa merkado.
“Huwag nating samantalahin ang kasalukuyang hamon sa ekonomiya para sa personal na pakinabang,” ani Nartatez kasabay ng babala na mahaharap sa kaukulang legal na aksyon ang sinumang lalabag.
Ang hakbang na ito ay suporta rin sa naunang pahayag ng DTI na nangako ang mga manufacturer ng basic necessities at prime commodities na pananatilihing matatag ang presyo ng kanilang mga produkto sa maikling panahon.
Bukod sa pagbabantay sa presyo, naghahanda na rin ang PNP na mag-deploy ng kanilang mga patrol vehicle upang magbigay ng tulong sa mga residenteng posibleng ma-stranded kung sakaling magkaroon ng aberya sa transportasyon dahil sa krisis sa langis.
Sinabi ni Nartatez na kasalukuyan nilang sinusuri ang kanilang mga asset upang makatulong sa publiko nang hindi nakokompromiso ang kanilang response time sa mga krimen. Tutukuyin ang mga pilot areas para sa inisyatibong ito base sa pangangailangan ng mga commuter at kakulangan sa transportasyon sa mga partikular na ruta.
