Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Lunes na aabot sa 139,000 tricycle drivers sa Metro Manila ang nakatakdang tumanggap ng ₱5,000 cash assistance bilang tugon sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, ang pondo ay magmumula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Magsisimula ang distribusyon bukas, Marso 17, alas-6 ng umaga, sa 30 itinalagang payout sites sa loob ng 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR).
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang payout ay gagawin sa pamamagitan ng “batch system” (umaga at hapon) upang maiwasan ang dagsa ng tao at matiyak ang kaayusan.
“Ang panawagan natin sa mga tricycle drivers, huwag pupunta sa payout sites kung hindi pa ito ang inyong schedule. Hindi mag-aappear ang pangalan niyo sa listahan. Makipag-ugnayan po kayo sa inyong mga LGU para sa inyong schedule,” pahayag ng kalihim.
Upang makuha ang ayuda, kailangang magdala ang driver ng orihinal at photocopy ng valid driver’s license. Titiyakin ng ahensya na ang pangalan sa lisensya ay tumutugma sa opisyal na listahan ng mga benepisyaryo.
Ayuda para sa iba pang Sektor at ‘Libreng Sakay’
Kasunod ng rollout para sa mga tricycle driver, target naman ng DSWD na simulan ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga jeepney drivers sa Marso 23. I
nihahanda na rin ang ayuda para sa mga 34,000 TNVS drivers, 33,000 motorcycle taxi drivers at 40,000 delivery riders
Nilinaw ng DSWD na ang programang ito ay hiwalay sa fuel subsidy na ipinamamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Samantala, inanunsyo naman ng Department of Transportation (DoTr) ang muling pagbubukas ng “Libreng Sakay” o service contracting program sa ikalawang linggo ng Abril. Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, hindi lamang ito limitado sa Metro Manila kundi sasaklawin din ang iba pang highly-urbanized cities sa bansa.
Inaasahan din na maglalabas ng anunsyo ang LTFRB bukas, Marso 17, hinggil sa bagong singil sa pasahe sa mga jeepney.
