Sa gitna ng sunod-sunod na pagsipa ng presyo ng petrolyo, inaprubahan ng Kamara de Representantes ngayong Lunes, Marso 16, ang panukalang batas na nagbibigay ng awtoridad kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan o tuluyang isuspinde ang excise tax sa mga produktong bumbero.
Sa botong 247 na pabor at tatlo lamang na tutol mula sa Makabayan bloc, mabilis na naipasa ang nasabing hakbang matapos itong sertipikahan ng Malacañang bilang “urgent.” Layon ng panukala na maibsan ang pasanin ng mga mamimili dahil sa tensyon sa pagitan ng US, Israel, at Iran na nagdudulot ng krisis sa pandaigdigang suplay ng langis.
Sa ilalim ng naturang panukala, may kapangyarihan ang Pangulo na i-adjust ang excise tax kapag umabot sa $80 ang presyo ng kada bariles ng Dubai Crude at nagkaroon ng “extraordinary increase” sa presyo ng langis sa panahon ng state of national emergency o kalamidad sa bansa.
Dahil ang Kongreso lamang ang may tanging kapangyarihan sa pagbubuwis (sole taxation powers), kinakailangan ang batas na ito upang pansamantalang mailipat ang nasabing desisyon sa ehekutibo para sa mas mabilis na pagtugon sa krisis.
Kung tuluyang isusususpinde ang excise tax na ipinataw sa ilalim ng TRAIN Law, inaasahang bababa ang presyo ng gasolina, P10 bawas kada litro; diesel, P6 bawas kada litro; at kerosene, P5 bawas kada litro.
Gayunpaman, may opsyon din ang Pangulo na bawasan lamang (imbes na tanggalin lahat) ang buwis upang balansehin ang pondo ng gobyerno.
Tinatayang aabot sa P136 bilyon ang mawawalang kita sa pamahalaan mula Mayo hanggang Disyembre kung ipatutupad ang “full suspension.”
