Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa, pormal na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang isang biking challenge na naglalayong hikayatin ang mga empleyado ng City Hall na gumamit ng bisikleta papasok sa trabaho.
Sa ginanap na flag-raising ceremony nitong Lunes, ipinakilala ni Marikina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang inisyatibong “Padyak Papasok: Bike to Work Marikina” bilang isang friendly challenge na magsusulong ng alternative transport at aktibong mobilidad sa lungsod.
Ayon kay Mayor Maan, layunin ng programa na lalo pang patatagin ang pagiging bike-friendly ng Marikina habang itinataguyod ang mas malusog na pamumuhay at sustainable na lungsod.
Ang kompetisyon ay tatakbo hanggang Disyembre 2026, kung saan ang mga departamento na may pinakamataas na porsyento ng mga empleyadong nagbibisikleta at may pinakamaraming bilang ng araw ng paglahok ay makakatanggap ng mga parangal at insentibo sa pagtatapos ng taon.
Upang suportahan ang mga kalahok, inatasan na ng alkalde ang Marikina Bikeways Office na tiyaking fully functional ang lahat ng end-of-trip facilities, partikular na ang pasilidad sa Engineering Compound sa Barangay Sto. Niño.
Dito ay maaaring magbihis, magpahinga, at maghanda sa trabaho ang mga empleyadong nag-bike.
Kasabay nito, ipinag-utos din ang paglalagay ng mas maraming bike racks malapit sa mga paaralan at hinikayat ang mga pribadong establisyimento na maglaan din ng parking space para sa mga siklista.
Ang biking challenge na ito ay komplementaryo sa ipinatutupad na four-day workweek schedule ng lungsod sa ilalim ng Executive Order No. 05, Series of 2026.
Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Mayor Maan noong Marso 9, ay tugon sa direktiba ni Pangulong Marcos na magtipid sa enerhiya at krudo dahil sa krisis sa Gitnang Silangan.
Sa ilalim ng bagong schedule, ang mga opisina sa City Hall ay bukas mula Lunes hanggang Huwebes, 8 a.m. hanggang 7 p.m., upang makamit ang 40-hour workweek habang nakasara ang mga gusali tuwing Biyernes para makatipid sa kuryente.
Gayunpaman, tiniyak ng pamunuan na mananatiling tuloy-tuloy ang operasyon ng mga mahahalagang serbisyo gaya ng DRRM, street maintenance, at public safety units.
