Pormal nang nagsampa ng mga reklamo sa Department of Justice (DOJ) si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. laban kay Atty. Levito Baligod at 18 dating miyembro ng Philippine Marines.
Ito ay matapos madawit ang pangalan ni Catapang sa alegasyon ng paghahatid ng “kickback” o malalaking halaga ng pera para kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Nahaharap sa kasong Libel (Article 355 ng Revised Penal Code) kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (R.A. 10175) sina Baligod at ang 18 ex-marines.
Bukod dito, sinampahan din ang mga dating sundalo ng False Testimony (Article 183 ng RPC, na inamyendahan ng R.A. 11594) at Perjury o pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.
Hindi lang sa DOJ humantong ang laban; naghain din si Catapang ng disbarment case laban kay Atty. Baligod sa Korte Suprema upang bawiin ang lisensya nito sa pagka-abugado.
Nagsimula ang tensyon nang magsagawa ng press conference si Baligod kamakailan.
Dito niya ipinakilala ang “18 Marines” na umano’y nagsilbing security at “bagmen” ni Zaldy Co.
Idinawit din sa nasabing pulong ang BuCor sa mga ilegal na aktibidad at paglilipat ng pera mula sa mga kickback.
Mariing itinatanggi ni Catapang ang mga paratang na tinawag niyang “mapanira” at walang basehan.
Ayon sa kanya, layunin lamang ng mga akusasyon na dungisan ang kanyang reputasyon at ang institusyon ng BuCor.
“Malinis ang aking konsensya,” ani Catapang. “Ang pangunahing tungkulin ko bilang Director General ay sundin ang batas na itinakda ng Bureau of Corrections Act of 2013.”
Dagdag pa ng opisyal, hindi dapat magpadala ang publiko sa mga kuwentong udyok ng politika at “trial by publicity.”
Binigyang-diin niya na ang tunay na katarungan ay nakukuha sa tamang proseso ng batas at hindi sa ingay ng media.
Tiniyak naman ng BuCor na mananatili silang tapat sa kanilang mandato na maglingkod nang may integridad at protektahan ang karapatan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
