Sa gitna ng sunod-sunod na balita tungkol sa dambuhalang dagdag-presyo sa petrolyo, muling kinuha ng aktor at TV host na si Edu Manzano ang atensyon ng mga netizen dahil sa kanyang pabirong hirit tungkol sa pagpunta sa gasolinahan.
Sa kanyang Facebook post, tila nakuha ni Manzano ang sentimyento ng maraming Pilipino na nahihirapan sa mahal ng bilihin.
Biro ng aktor, hindi niya raw ugaling ipagmalaki ang mga “luxury” o mamahaling lugar na kanyang pinupuntahan, ngunit tila hindi niya napigilang mabanggit na galing siya sa isang gas station.
“Hindi ko ugaling magyabang sa mga mamahaling lugar na napupuntahan ko, pero kanina galing nga pala ako sa gasolinahan,” ayon sa aktor.
Ang hirit na ito ni Edu ay mabilis na kumalat sa social media, lalo’t kasabay ito ng mga ulat na inaasahang aabot sa mahigit ₱30 ang itataas sa presyo ng kada litro ng kerosene, habang malaki rin ang dagdag sa diesel at gasolina.
Bagama’t idinaan sa biro, ipinapakita nito ang realidad na ang mga gasolinahan ay itinuturing na ngayong “mamahaling lugar” dahil sa bigat na dulot ng presyo ng langis sa bulsa ng bawat mamamayan.
