Photo courtesy: Marikina PIO/FB
Opisyal nang nilagdaan ni Mayor Maan Teodoro ngayong araw, Marso 9, 2026, ang Executive Order No. 05, Series of 2026, na nagpapatupad ng four-day workweek sa pamahalaang lungsod.
Ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Marcos na magtipid sa enerhiya at bawasan ang paggamit ng gasolina sa gitna ng krisis sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng langis sa buong mundo.
Sa ilalim ng bagong kautusan, magiging bukas ang mga tanggapan ng gobyerno sa lungsod mula Lunes hanggang Huwebes, simula alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Ang pinahabang oras na ito ay upang makumpleto pa rin ng mga empleyado ang kanilang 40-hour workweek, habang nababawasan naman ang konsumo sa kuryente dahil sa pagsasara ng mga opisina tuwing Biyernes.
Ayon kay Mayor Maan, ang inisyatibong ito ay kontribusyon ng Marikina sa pambansang pagsisikap na makatipid sa gitna ng nararanasang krisis.
Binigyang-diin ng alkalde na sa pamamagitan nito, direktang makakatulong ang lungsod sa pag-imbak ng mahahalagang resources ng bansa.
Gayunpaman, tiniyak ng lokal na punong ehekutibo na mananatiling 100 porsyentong operational ang mga mahahalagang serbisyo at field operations.
Kabilang sa mga hindi titigil sa serbisyo kahit Biyernes ay ang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRM), mga street maintenance team, public safety units, at iba pang field operatives.
Layunin ng pananatili ng mga grupong ito na masigurong tuloy-tuloy ang emergency response, pagpapanatili ng mga imprastraktura, at walang antala ang paghahatid ng pangunahing serbisyo publiko para sa lahat ng mga residente ng Marikina.
