Umakyat sa 2.4 porsyento ang inflation rate ng bansa nitong Pebrero, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa loob ng 13 buwan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, March 5, ito na ang ikatlong sunod na buwan na bumilis ang inflation, na huling nakapagtala ng mas mataas na antas noong Enero ng nakaraang taon sa 2.9 porsyento.
Sa kabila nito, pasok pa rin ang naturang bilang sa target range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.3 hanggang 3.1 porsyento para sa buwan.
Pangunahing itinutulak ang pagtaas ng presyo ng mas mataas na halaga ng mga bilihin at gasolina.
Nagbabala si National Statistician Claire Dennis Mapa na maaaring magpatuloy ang pasakit sa mamamayan dahil sa banta ng “oil shock” bunsod ng tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran.
Paliwanag ni Mapa, ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina ay karaniwang sinusundan ng hirit sa dagdag-pamasahe ng transport sector, na may malaking epekto sa gastusin ng bawat Pilipino.
Bukod sa langis, bumilis din ang food inflation sa 1.6 porsyento mula sa 0.7 porsyento noong nakaraang buwan.
Ramdam na ang epekto ng limitasyon sa importasyon ng bigas noong huling bahagi ng 2025 at ang kasalukuyang lean season.
Tumaas din ang presyo ng gulay, isda, at seafood dahil sa masamang panahon at closed fishing season.
Maging ang mga bayarin sa renta, tubig, kuryente, at gas ay nagtala rin ng mas mataas na singil nitong nakaraang buwan.
Patuloy namang minomonitor ng BSP ang mga kaganapan sa Middle East, partikular ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, upang masuri kung paano ito makaaapekto sa pangkalahatang presyo ng mga bilihin sa Pilipinas sa mga susunod na buwan. (LIMUEL TOLENTINO)
