Hayagang pumanig si Atty. Ferdinand Topacio kay dating Congressman Bong Suntay kaugnay ng kontrobersyal na pahayag nito tungkol sa actress-host na si Anne Curtis.
Sa kanyang programang “Yes… Yes… Yo! Topacio” sa DWIZ 882 nitong Huwebes, March 5, minaliit ng abogado ang isyu at tinawag itong “very minor” lamang.
Ayon kay Topacio, hindi lamang naintindihan ng mga kritiko ang punto ni Suntay dahil sa gitna ng usaping impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, iginiit niya na ang mga tao ay “bulag dahil gustong gusto n’yo nang ma-impeach si Sara Duterte.”
Binigyang-diin ni Topacio na ang anumang iniisip ng isang tao, gaano man ito kasama o kawalang-moralidad, ay hindi maituturing na isang criminal offense sa ilalim ng batas.
Tahasan niyang sinabi na “kahit anong sama ng iniisip mo, may nakita kang babae na gusto mong gahsain, gusto mong hlayin, gusto mong d*klutin, hindi kasalanan ’yon!” dahil ang nilalaman lamang ng isipan ay hindi pa maituturing na krimen.
Iginiit ng abogado na ang maling pag-unawa ng publiko ay dala lamang ng politikal na motibo at hindi dahil sa kawalan ng talino ng mga nakikinig.
Hindi rin nakaligtas sa banat ng abogado ang kapatid ni Anne na si Jasmine Curtis-Smith matapos nitong ipagtanggol ang kapatid laban sa pambabastos.
Kinuwestiyon ni Topacio ang pagpo-post ni Jasmine ng mga larawang naka-bikini sa social media at mga pahayagan at nagtanong kung hindi ba ito ginagawa “para ikaw ay pagnasahan, para ikaw ay sumikat?”
Pinayuhan din niya ang aktres na huwag nang idahilan na ang mga naturang larawan ay para sa sining o pag-endorso lamang ng tatak dahil aniya ay “huwag mong sabihing art ’yon! Huwag mo sabihing ini-endorso mo ’yung brand ng bikini.”
Sa kasalukuyan, nananatiling tahimik at wala pang inilalabas na opisyal na pahayag o reaksyon ang magkapatid na Anne at Jasmine Curtis-Smith hinggil sa mga naging tirada sa kanila ng abogado.
