Tahasang binatikos ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang kasalukuyang administrasyon, na tinawag niyang “manhid” dahil sa umano’y paniniwala nito na kayang busalan ng salapi ang lahat ng tao.
Sa isang Facebook post nitong Huwebes, March 4, mariing pinabulaanan ni Guanzon ang ideya na madaling mabili ang prinsipyo ng publiko.
“Manhid na ang administrasyon na [ito] dahil akala nila lahat ng tao natatapalan ng pera, HINDI!” anang dating opisyal.
Ayon kay Guanzon, may mga indibidwal na dating tumatanggap ng pera mula sa administrasyon ang nagsisimula nang magbago ng pananaw.
Aniya, maaaring ang iba ay naghahangad lamang ng mas malaking halaga dahil sa kasakiman, habang ang iba naman ay pagod na o hindi na masikmura ang mga nangyayari kaya nakakaramdam na ng konsensya.
Binigyang-diin niya na ang pagbabagong ito ay senyales na hindi habambuhay na makokontrol ng pera ang bawat indibidwal.
Bukod sa pagpuna sa gobyerno, nagbabala rin si Guanzon sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga tinawag niyang “oportunista.”
Aniya, may mga taong kumakalas lamang sa administrasyon dahil nararamdaman nilang “papalubog na ang barko” at nais lamang iligtas ang sariling interes.
“Timbangin natin ng maigi,” pagtatapos ni Guanzon bilang paalala sa mga mamamayan na suriing mabuti ang motibo ng mga lumilipat ng panig sa gitna ng nagbabagong ihip ng politika.
