Nalambat ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang Korean national na itinuturing na “boss” ng isang malakihang voice phishing syndicate at nagpanggap na mamamayang Pilipino upang makaiwas sa batas.
Kinilala ni BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy ang suspek na si Moon Hayoung, 40-anyos. Nadakip si Moon nitong nakaraang Pebrero 26 sa Barangay Palamis, Alaminos City, sa pamamagitan ng isang operasyon na katuwang ang Alaminos City Police Station at iba pang government intelligence forces.
Base sa imbestigasyon, si Moon ang utak sa likod ng isang organisadong grupo na nagsimula noong Enero 2017. Ang kanilang modus ay magpanggap bilang mga kinatawan ng malalaking bangko sa Korea upang makapanloko ng mga biktima.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, tinatayang aabot sa USD 840,000 (mahigit 47 milyong piso) ang kabuuang halagang nakuha ng grupo mula sa kanilang mga biktima. Bilang ringleader, si Moon ang nag-organisa sa grupo, nagbigay ng pondo, at nagtayo ng mga pasilidad na ginamit sa ilegal na aktibidad.
Nabisto rin ng mga awtoridad na gumagamit si Moon ng pekeng pasaporte ng Pilipinas sa ilalim ng pangalang “Jonathan Martinez Park.” Bukod sa pagpapanggap na Pinoy, napaulat din na nagmamay-ari ang suspek ng ilang resort properties sa mga lalawigan ng Batangas at Pangasinan.
Si Moon ay paksa ng isang Interpol Red Notice bunsod ng warrant of arrest na inilabas ng Suwon District Court sa Korea para sa kasong fraud. Nahaharap siya sa paglabag sa Article 347(1) ng Criminal Act ng South Korea.
Ayon sa BI, ang pagkakahuli kay Moon ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa transnational crimes at protektahan ang integridad ng mga hangganan ng Pilipinas. Kasalukuyang nasa BI Warden Facility ang suspek habang inihahanda ang kanyang deportation proceedings. (ARSENIO TAN)
