Sinibak sa puwesto ng Bureau of Corrections (BuCor) ang apat na corrections officers matapos makatakas ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) mula sa Sablayan Prison and Penal Farm nitong Martes, Marso 3, 2026.
Sa ulat na isinumite ni BuCor Officer-in-Charge Atty. Al Perreras kay Justice Secretary Frederick Vida, kinilala ang mga opisyal na kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon na sina CO3 Jon Jon Edic (Shift Commander), CO1 Nelbert Moro (Building 3 Keeper), CO1 Lexter Gonzales (Post Tower 1 Sentinel), at CO1 Lionel Darrold Orandain (Post Tower 2 Sentinel).
Kinilala ang tumakas na bilanggo na si Tyrone Dela Cruz y Resurreccion, na nagsisilbi ng parusang Reclusion Perpetua dahil sa kasong kidnapping with ransom. Nadiskubre ang pagkawala ni Dela Cruz bandang alas-5:47 ng hapon noong Martes sa gitna ng isinasagawang headcount.
Ayon sa paunang imbestigasyon, huling nakita si Dela Cruz sa bahagi ng basketball court bago sinamantala ang pagkakataong tumakas sa pagitan ng Post Tower 1 at Post Tower 2. Bagama’t agad na nagpaputok ng mga warning shot ang mga guwardiyang naka-duty, mabilis na nakatagos ang bilanggo patungo sa kalapit na kagubatan.
Sa kasalukuyan, pinamumunuan ni Superintendent CSSUPT Roger Boncales ang lahat ng tauhan mula sa Super Maximum Prison Facility para sa isang malawakang manhunt operation. Nakikipag-ugnayan na rin ang BuCor sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Army upang palakasin ang pagtugis sa takas.
Si Dela Cruz ay nasa kustodiya na mula pa noong Hulyo 2015 at pormal na natanggap ng BuCor noong Disyembre 2017 matapos ang utos mula sa Regional Trial Court Branch 92 sa Calamba City, Laguna.
Tiniyak ng pamunuan ng BuCor na magpapatuloy ang imbestigasyon upang malaman kung nagkaroon ng kapabayaan sa seguridad at upang matiyak na mapapanagot ang mga dapat managot sa nasabing insidente.
