Pormal na bumisita si Japanese Ambassador Endo Kazuya kay Department of Education (DepEd) Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara noong ika-3 ng Marso, 2026, upang talakayin ang mga hamon sa sektor ng edukasyon sa bansa at patatagin ang ugnayan ng Japan at Pilipinas.
Sa nasabing courtesy call, nagpalitan ng kuro-kuro ang dalawang opisyal tungkol sa kahalagahan ng pagtuturo ng wikang Hapon (Japanese language education) sa pampublikong sekondaryang paaralan sa Pilipinas.
Tinalakay rin ang mga programa ng gobyerno ng Japan para sa pagsasanay ng mga gurong Pilipino at ang mga inisyatiba ng mga kumpanyang Hapon na may kinalaman sa edukasyon.
Lubos ang pasasalamat ni Secretary Angara sa patuloy na suportang ibinibigay ng bansang Japan at ng mga kumpanyang Hapon sa bansa.
Binigyang-diin ng kalihim na malaki ang maitutulong ng ganitong uri ng kolaborasyon upang itaas ang kalidad ng pag-aaral ng mga kabataang Pilipino. Nagkasundo ang magkabilang panig na ipagpapatuloy ang masiglang pagtutulungan sa mga susunod na taon upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at guro sa buong bansa.
