Mas pinagtibay ng Rockwell Land at Movem—isang kumpanyang pagmamay-ari ng Meralco—ang kanilang layunin para sa mas malinis at modernong transportasyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga bagong electric vehicle (EV) charging stations sa Edades Tower at Edades Suites.
Ang mga charging station na ito ay mayroong 22kW AC EV chargers na eksklusibong magagamit ng mga residente ng Edades, mga miyembro ng Rockwell Club, at mga parokyano ng retail stores sa nasabing gusali.
Dahil sa suporta at karanasan ng Meralco sa pamamahagi ng kuryente, tinitiyak ng Movem na magiging maayos at maaasahan ang serbisyo para sa mga gumagamit ng de-kuryenteng sasakyan.
Sa tulong ng ChargeM app ng Movem, madali nang mamomonitor ng mga user ang status ng mga station, mapapamahalaan ang kanilang charging sessions, at makakapagbayad sa pamamagitan ng cashless transactions, na swak sa prestihiyosong lifestyle na kilala sa Rockwell.
Ayon kay Valerie Jane L. Soliven, Chairman of the Board ng Edades by Rockwell Condominium Corporation, ang hakbang na ito ay mahalaga sa pagpapatatag ng kanilang mga “future-ready” na inisyatiba. Ipinaliwanag niya na habang lumalago ang paggamit ng electric mobility, mahalagang maibigay ang tamang imprastraktura nang hindi nawawala ang kalidad at ginhawang nakasanayan sa kanilang mga development.
“The launch of our electric vehicle charging stations, in partnership with Movem, is an important step in strengthening our sustainable and future-ready initiatives,” ani Soliven.
Binigyang-diin naman ni Raymond B. Ravelo, President at CEO ng Movem, na ang proyektong ito ay higit pa sa simpleng pag-charge ng sasakyan. Ayon sa kanya, simbolo ito ng progresibong hakbang tungo sa mas luntiang kapaligiran.
“What we have here is a symbol of sustainable and meaningful progress, as we at Rockwell and Movem, help enable cleaner and greener mobility,” pahayag ni Ravelo.
Sa pamamagitan ng paglalagay ng mga EV infrastructure sa mga premium properties, layon ng magkatuwang na kumpanya na mas mapabilis ang pagtanggap ng publiko sa paggamit ng electric vehicles sa bansa.
