Handa nang magpakawala ng mga legal na suntok ang boxing icon at dating Senador na si Manny Pacquiao laban sa vlogger na si Norman Mangusin, na mas kilala sa bansag na Francis Leo Marcos.”
Kinumpirma ng pambansang kamao na nakahanda na ang kanyang abogado na sampahan ng kaukulang kaso ang vlogger dahil sa mga mapanirang pahayag at alegasyong ibinato nito laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Pangunahing ikinagagalit ni Pacquiao ang pagpapakalat ni Mangusin ng maling impormasyon na kesyo may utang ang boksingero sa kanya, gayong binigyang-diin ni Manny na hindi pa sila kailanman nagkikita o nagkakaharap nang personal.
Bukod sa isyu ng pera, labis ding ikinasama ng loob ni Pacquiao ang panglalait ng vlogger sa kanyang ina na si Mommy Dionisia matapos itong tawaging “mukhang bakulaw” sa isang pahayag.
Ayon sa dating senador, ang paninira sa kanyang pangalan at pagkatao ay hindi dapat kunsintihin dahil masama itong halimbawa sa publiko.
Sa kabila ng kanyang pagiging debotong Kristiyano, naniniwala si Pacquiao na dapat pa ring manaig ang batas at pananagutin ang mga nagkasala sa pamamagitan ng gobyerno.
Aniya, wala siyang itinatanim na personal na galit ngunit kailangang dumaan sa tamang proseso ang lahat upang matigil ang mga ganitong uri ng pang-aabuso.
Matatandaang naaresto si Mangusin noong Pebrero 24 sa isang hotel habang naka-livestream sa social media matapos ihain ang warrant of arrest laban sa kanya. (RON TOLENTINO)
