SHOOT sa hoyo ang dalawang top most wanted persons kabilang ang isang bebot na nahatulan sa kasong Robbery with Force upon Things nang maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, ang akusado na 29-anyos na babae na residente ng Brgy., Marulas ay nakatala bilang No. 6 sa Top Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na noong February 23, 2026 nang maglabas ang Metropolitan Trial Court, Branch 82, Valenzuela City, ng arrest warrant laban sa akusado.
Kaagad nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Robin Santos, OIC ng Investigation and Detective Management Section (IDMS).
Hindi na nakapalag ang akusado nang damputin ng mga operatiba ng WSS sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes dakong alas-10:40 ng umaga sa kanilang lugar sa Brgy. Marulas sa bisa ng nasabing warrant para sa service of sentence.
Ala-1:10 ng hapon nang masukol naman ng mga operatiba ng WSS kasama ang NDIT, RIU-NCR, IG sa manhunt operation sa Barangay Gaya Gaya, San Jose Del Monte Bulacan. ang 44-anyos na akusado na residente ng Brgy. Balangkas at nakatala bilang No. 7 MWP sa Valenzuela CPS.
Binitbit ng pulisya ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 16, Valenzuela City noong January 13, 2025 para sa kasong Acts of Lasciviousness at Unjust Vexation na may inirekomendang piyansa na PhP200,000. (JUVY LUCERO)
