ARESTADO ang 13 katao kabilang ang limang drug suspects nang maaktuhan ng pulisya na naglalaro ng ilegal na sugal sa magkakahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Dakong alas-11:30 ng gabi nang maaktuhan ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 8 ang dalawang lalaki na nagsusugal ng cara y cruz sa M. Bernardino St., Brgy., Ugong at nakuha sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nasamsam kay alyas “Mark”, 32.
Nauna rito, nadakip ng mga tauhan ng SS4 ang dalawang kelot nang maaktuhang nagsusugal din ng cara y cruz sa Bukid St., Brgy., Malinta alas-6:30 ng gabi at nakumpiska sa kanila ang perang pantaya, pangara at nakuha naman kay alyas “Atan”, 25, ang isang sachet na naglalaman ng umano’y shabu.
Sa Brgy., Marulas, huli sa akto ng mga tauhan ng SS4 ang dalawang lalaki na nagka-cara y cruz sa F. Bautista Street dakong alas-11:50 ng umaga at nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam kay alyas “John”, 30.
Bandang ala-1:50 ng madaling araw nang matiyempuhan naman ng mga tauhan ni SS5 Commander P/Capt. Doddie Aguirre ang dalawang sugarol na naglalaro din ng cara y cruz sa isang bakanteng lote sa Coloong II Road, Brgy., Coloong at nasamsam kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Marvin”, 48.
Samantala, nakuhanan din ng isang plastic sachet ng hinihinalang marijuana si alyas “Boy”, nang maaresto ng mga tauhan ng SS1 habang nagsusugal ng baraha (lucky 9) kasama ang dalawang lalaki sa Brgy. Canumay West alas-12:30 ng hating gabi.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 ang kakaharapin pa ng lima sa kanila.
Hinikayat naman ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang mga mamamayan na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na binibigyang-diin na ang pakikipagtulungan ng komunidad ay mahalaga sa patuloy na paglaban sa ilegal na mga gawain. (JUVY LUCERO)
