Binatikos ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa umano’y hindi epektibong pamamalakad sa kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa.
Sa pagtalakay ng Senate Bill 190 nitong huling linggo ng Pebrero 2026, ipinaliwanag ni Sotto na ang kasalukuyang sistema ay bigong gumamit ng isang “holistic approach” na naging sanhi lamang ng maraming casualties at pagkaka-dismiss ng mga kaso sa korte.
Binigyang-diin ng senador na ang pagtutok ng PDEA sa aspeto ng enforcement, gaya ng kontrobersyal na Oplan Tokhang, ay naging dahilan upang mapabayaan ang mas mahalagang aspeto ng prevention at rehabilitasyon para sa mga biktima ng drug abuse.
Dahil dito, pormal na iminumungkahi ni Sotto ang pagbuwag sa PDEA at sa Dangerous Drugs Board (DDB) upang pagsamahin ang kanilang mga tungkulin sa ilalim ng isang bagong ahensya na tatawaging Presidential Drug Enforcement Authority (PRDEA).
Sa ilalim ng panukalang ito, direktang mapasasailalim sa Office of the President ang pamamahala sa drug war upang matiyak ang mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng panghuhuli, pag-uusig, at paggamot sa mga nalululong sa droga.
Iginiit ni Sotto na hindi naiintindihan ng PDEA ang lalim ng problema dahil nananatili silang nakakahon sa tradisyonal na paraan ng operasyon na hindi naman nakapag-aalis ng suplay ng droga sa mga komunidad.
Mariin namang tinutulan ng PDEA ang nasabing plano sa pangambang mawalan ng sentralisadong tagapamahala sa mga anti-illegal drug units ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at Bureau of Customs.
Gayunpaman, binuweltahan sila ni Sotto sa pagsasabing hindi nagtagumpay ang ahensya sa kanilang mandato at kailangan na ng mas radikal na pagbabago sa estratehiya ng gobyerno.
Ayon sa senador, ang PRDEA ang magiging susi upang magkaroon ng mas maayos at makataong paraan sa pagsugpo sa drug abuse sa Pilipinas, habang tinitiyak na ang mga sindikato ang tunay na napupuruhan at hindi ang mga maliliit na gumagamit lamang.
