Hinamon ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsampa ng pormal na reklamo sa mga lokal na hukuman sa Pilipinas kung naniniwala silang may mga pag-abuso sa kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyong Marcos.
Sa isang panayam sa DZMM Teleradyo, binatikos ni Castro ang abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman matapos itong magtanong sa International Criminal Court (ICC) kung iimbestigahan din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y nagpapatuloy na patayan sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno.
“Lead the way with the filing of cases here. Bisitahin niya kami rito at magsampa ng reklamo kung interesado siya,” ani Castro, na isa ring abogado. Kinuwestiyon niya kung bakit tila mas nakatuon ang atensyon ni Kaufman sa kasalukuyang administrasyon sa halip na depensahan ang kanyang kliyente laban sa mga kasong crimes against humanity.
Ayon pa kay Castro, nakapagtataka ang mga galaw ng abogado at tila may sinusubukan itong iligtas na “political career” ng ibang tao sa halip na tutukan ang pag-rebut sa mga ebidensya laban kay Duterte.
Matatandaang si dating Pangulong Duterte ay kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC simula noong Marso 2025 matapos arestuhin pagkauwi mula sa Hong Kong. Sa ginaganap na hearing sa ICC, iginiit ni Kaufman na batay sa pag-aaral ng University of the Philippines (UP), may naitalang 162 na pagpatay na kinasangkutan ng mga “state agents” sa unang taon pa lamang ni Marcos.
Kasabay ng mga kaganapang ito, nahaharap din sa matinding pressure ang pamilya Duterte sa bansa. Si Vice President Sara Duterte ay nakatakdang harapin ang pagtalakay sa apat na impeachment complaints sa Lunes, Marso 2.
Bagama’t na-impeach na ang Bise Presidente noong Pebrero 2025, idineklara itong “void” o walang bisa ng Supreme Court noong Hulyo 2025 dahil sa paglabag sa one-year bar rule ng Konstitusyon.
