Muling nagpakawala ng matitinding paratang si dating Senador Antonio Trillanes IV matapos niyang ihayag sa isang panayam na ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpondo at nag-organisa sa naging press conference ng isang grupo ng mga dating Marines.
Ayon kay Trillanes, malinaw na may “kamay” ang mga Duterte sa likod ng nasabing kaganapan upang isulong ang kanilang sariling interes.
Direktang tinukoy ni Trillanes na ang grupo ni Atty. Levito Baligod ang nagsilbing “front” sa operasyon, ngunit ang pondo at koordinasyon ay nagmula umano sa kampo ng mga Duterte.
Binigyang-diin ng dating senador na hindi aksidente ang pagkakasama-sama ng 18 dating sundalo sa isang press conference kung walang malakas na grupong nagpapakilos sa kanila.
Isa sa mga naging ebidensya ni Trillanes ay ang impormasyong nakalap nila tungkol sa mga sasakyang ginamit ng mga dating Marines.
Ayon sa kanya, isa sa mga sasakyang nakita sa press conference ay rehistrado sa pangalan ng asawa ni dating kinatawan Mike Defensor, na kilalang kaalyado ng mga Duterte.
Kinuwestiyon din ng dating senador ang lohika sa likod ng pag-oorganisa ng naturang grupo. Aniya, imposibleng mag-usap-usap at magtipon-tipon ang 18 ex-soldiers nang “at random” o walang suporta mula sa isang organisadong grupo.
Sa huli, nanindigan si Trillanes na ang kampo ni Duterte ang may pinakamalaking makukuha o “stand to benefit most” mula sa mga alegasyong inilabas sa nasabing press conference.
