TIMBOG ang isang ginang sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang magbenta umano ng shabu sa isang pulis sa buy bust operation sa Valenzuela City, Lunes ng gabi.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang naarestong suspek na si alyas “Maan”, 39, ng Pinalagad, Brgy. Malinta.
Bago ang pagkakaaresto sa suspek, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Maan”.
Nang positibo ang report, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.
Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, kaagad siyang inaresto ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-7:20 ng gabi sa Manggahan St., Brgy. Karuhatan.
Nakumpiska kanya ang humigi’t kumulang 3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400, buy bust money na isang tunay na P500, Kasama ang dalawang P500 boodle money at P200 cash.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.
Pinuri naman ni B/Gen. Dela Cruz ang SDEU team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga. (JUVY LUCERO)
