Makalipas ang mahigit isang dekada, pormal nang inanunsyo ang muling paghaharap ng dalawa sa pinakamalaking pangalan sa kasaysayan ng boxing na sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Ang inaabangang grudge match ay itinakda sa September 19 at gaganapin sa kauna-unahang pagkakataon sa The Sphere sa Las Vegas, Nevada.
Ipapalabas ang laban nang live sa buong mundo sa pamamagitan ng streaming giant na Netflix, na siya ring nasa likod ng mga malalaking boxing events nitong nakaraang taon.
Bagama’t kapwa papalapit na sa edad na 50 ang dalawang boxing icons—si Mayweather ay nagdiwang ng kanyang ika-49 na kaarawan nitong Martes habang si Pacquiao ay 47 anyos na—muling nagbabalik mula sa retirement ang Amerikanong boksingero upang itaya ang kanyang malinis na 50-0 record.
Ang muling pagtatapat na ito ay susunod sa kanilang “Fight of the Century” noong 2015 na nagtapos sa unanimous decision victory para kay Mayweather, isang laban na bagama’t kumita ng malaki ay nag-iwan ng pagkadismaya sa maraming fans dahil sa kakulangan ng aksyon.
Bago ang kanilang pagtutuos sa Setyembre, abala muna ang dalawa sa kani-kanilang mga laban ngayong Abril upang magsilbing preparasyon.
Nakatakdang harapin ni Pacquiao si Ruslan Provodnikov sa isang 10-round exhibition fight sa April 8, habang si Mayweather naman ay muling aakyat ng ring laban sa dating heavyweight champion na si Mike Tyson sa April 15.
Matatandaang nitong July 2024, nagpakitang-gilas pa si Pacquiao nang hamunin niya si WBC welterweight champion Mario Barrios na nagtapos sa isang majority draw.
Sa kanyang pahayag, kumpiyansa si Mayweather na mauulit ang resulta ng kanilang unang laban, ngunit determinado ang kaisa-isang eight-division world champion na si Pacquiao na mabigyan ng unang dungis ang record ni “Money.”
Ayon kay Pacquiao, nais niyang habambuhay na dalhin ni Floyd ang alaala ng pagkatalo nito at hinding-hindi makalimutan kung sino ang boksingerong nagpabagsak sa kanya sa loob ng propesyonal na ring. (RON TOLENTINO)
