Opisyal na ang pagtatapos ng pananatili nina Schonny Winston at Kevin Racal sa Converge FiberXers matapos pormal na aprubahan ng PBA Commissioner’s Office nitong Martes, February 24, ang isang “three-team, five-player trade.”
Sa ilalim ng kasunduang ito, mapupunta sina Winston at veteran wingman Racal sa NLEX Road Warriors kapalit ng duo nina Javee Mocon at Jonnel Policarpio.
Kasabay nito, inaprubahan din ang hiwalay na paglipat ni Mocon mula Converge patungong Meralco Bolts kapalit ng sophomore guard na si Kurt Reyson at isang future second-round pick.
Dahil dito, lalong lumalim ang lineup ng FiberXers sa pagdating nina Policarpio at Reyson, habang nakakuha naman ang NLEX ng isang prolific scorer at isang subok na veteran.
Ang Meralco naman ay makikinabang sa solidong laro ni Mocon na inaasahang magbibigay ng bagong sigla sa kanyang career.
Ang trade na ito ang nagtapos sa higit dalawang taong pananatili ni Winston sa FiberXers, ang koponang kumuha sa kanya bilang no. 9 overall noong Season 48 draft.
Samantala, emosyonal naman ang pag-alis ni Racal dahil siya ang huling manlalaro mula sa orihinal na prangkisa ng Alaska na binili ng Converge.
Sa edad na 34, ang Letran alumnus at dating first round pick ng Aces ay maglalaro na para sa kanyang ikatlong koponan sa liga.
Para naman kina Policarpio at Reyson, ang paglipat sa Converge ay nagsilbing reunion sa kanilang coach at patron sa Pampanga na si Delta Pineda.
Si Reyson, na produkto ng Season 49 draft, ay naglaro rin sa ilalim ni Pineda para sa Pampanga Giant Lanterns kung saan sila nagwagi ng back-to-back championships sa MPBL.
Inaasahan na ang pagbabagong ito sa roster ng mga koponan ay magbibigay ng bagong dinamika sa darating na season ng PBA. (RON TOLENTINO)
