Magkakaroon ng pagkakataon si head coach Tai Bundit at ang Alas Pilipinas Women na unang pumili ng mga manlalaro mula sa 2026 PVL Draft pool ngayong darating na Hunyo.
Sa ilalim ng inisyatibang ito ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF), malayang makakapili si Bundit ng kahit ilang talentong nais niya bago pa man magsimula ang regular na draft ceremony para sa ibang mga koponan sa liga.
Ang mga mapipiling manlalaro para sa Alas Pilipinas ay awtomatikong mawawala sa listahan ng mga aplikante na maaaring kunin ng mga natitirang PVL teams.
Ayon kay PNVF President Tony Boy Liao, aprubado na ng anim sa sampung koponan sa PVL ang naturang setup, kabilang na ang mga Rebisco teams na Creamline at Choco Mucho.
Ang hakbang na ito ay naglalayong siguruhin na ang mga mapipiling manlalaro ay magkakaroon ng solong dedikasyon sa national team.
Nais ng PNVF na maiwasan ang mga nakaraang problema sa “player-lending” kung saan ang obligasyon ng mga manlalaro sa kanilang mga koponan sa UAAP, NCAA, o PVL ay nagiging hadlang sa pagbuo at pag-eensayo ng pambansang koponan.
Ang mga “special picks” na ito ay sasailalim sa training kasama ang core ng Alas Pilipinas, at ang kanilang suweldo ay babayaran ng PNVF sa loob ng hindi bababa sa dalawang taon.
Pagkatapos ng nasabing panahon, bibigyan ang mga manlalaro ng opsyon kung nais nilang manatili sa pambansang koponan o pumasok na sa PVL upang maglaro para sa mga club teams.
Sa pamamagitan ng bagong sistemang ito, inaasahang mas magiging matatag at handa ang bansa sa mga darating na internasyonal na kompetisyon sa volleyball. (RON TOLENTINO)
