Ibinunyag ni Atty. Levi Baligod sa isang press conference sa Club Filipino nitong Martes, February 24, ang diumano’y malawakang korapsyon sa flood control projects kung saan aabot sa ₱800 bilyon ang naibulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Baligod, na siya ring dating pribadong complainant sa PDAF scam labing-tatlong taon na ang nakararaan, lalong lumala ang pagnanakaw sa kaban ng bayan mula sa milyun-milyong piso tungo na sa bilyon-bilyon.
Kasama ang mga dating sundalo na nagsilbing mga saksi, inihayag ng abogado ang mga detalye ng paghahatid ng tone-toneladang pera sa iba’t ibang lokasyon gamit ang mga maleta.
Ipinakita ni Baligod sa media ang mga larawan bilang ebidensya ng hanggang 52 maleta ng pera na idinedeliver gamit ang anim na van sa mga residency ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa Valle Verde at Horizon Homes, pati na sa mga bahay sa Forbes Park at Aguado na tapat lamang ng Malacañang.
Binanggit din niya na may limang maleta na dinala sa Ilocos Norte sa mismong bahay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang ang iba naman ay inihatid sa Town Homes 8 at 9 sa Manila Polo Club.
Tahasang tinukoy ng abogado ang Pangulo bilang mastermind at chief implementer na nagpahintulot sa ganitong sistema, kasabay ng pagbatikos sa International Criminal Court investigators na ang mga gastusin ay binayaran diumano nina Co at dating Senator Antonio Trillanes IV noong 2023.
Nakatakdang isumite ni Baligod ang mga affidavit sa Office of the Ombudsman at sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang mailantad ang operasyon ng ICC at maipakita sa publiko kung saan napupunta ang kanilang buwis.
Nanawagan din siya sa Armed Forces of the Philippines na huwag pigilan ang mga dating sundalong Marine sa pagsisiwalat ng katotohanan.
Sa kabila ng banta sa seguridad ng mga testigo gaya ni Master Sergeant Orly Goteza na balitang inilayo na sa bansa, iginiit ni Baligod na ang layunin ng kanilang pagkilos ay tuldukan ang cycle of impunity at papanagutin ang mga sangkot na opisyal, kabilang na si dating Budget Secretary Amenah Pangandaman.
