Inaprubahan ng House Committee on Tourism nitong Lunes ang panukalang batas na naglalayong tuluyan nang alisin ang travel tax para sa mga lokal na biyahero upang mabawasan ang gastusin ng mga ordinaryong pasahero at mas mapalakas ang kompetisyon sa sektor ng paglalakbay.
Ayon kay Committee Chair Eleandro Madrona, kinakailangang maging flexible ang pagpapatupad ng batas na ito kung saan hindi na kailangang paulit-ulit na humingi ng permiso sa Department of Budget and Management (DBM) basta’t maayos at mabilis ang paggamit ng pondo.
Sa nasabing pagdinig, iminungkahi rin ang pagsasama-sama ng lahat ng mga panukalang batas na may kinalaman sa pagbuwag ng nasabing buwis kasabay ng pagbuo ng isang malinaw at napapanatiling alternatibong sistema ng pagpopondo.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na ang pag-apruba sa konsolidasyon ng mga panukalang ito ay dapat may kaakibat na alternatibong mekanismo upang hindi maantala ang mga serbisyong nakadepende sa travel tax.
Matatandaang isa ito sa mga naunang hiningi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mambabatas na bigyang-prayoridad upang matulungan ang mga Pilipinong madalas bumibiyahe sa labas ng bansa.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, inaasahang mas magiging abot-kaya na para sa mas maraming Pilipino ang maglakbay nang hindi na iniisip ang karagdagang bayarin sa paliparan.
