Mariing pinabulaanan ni Senador Robin Padilla ang mga haka-haka na may ambisyon siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno, partikular na ang pagka-Bise Presidente, kasunod ng mga naging patutsada ng political analyst na si Ronald Llamas.
Sa isang matapang na pahayag, nilinaw ni Padilla na wala siyang balak tularan ang ibang mga pulitiko na aniya’y “gigil na gigil” at nagpapakitang-gilas lamang dahil sa mataas na ambisyon.
Binigyang-diin ng senador ang kanyang disiplina bilang miyembro ng PDP (dating PDP-Laban).
Ayon sa kanya, bilang miyembro ng partido, tanging ang kanilang chairman na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang may karapatang magdesisyon kung sino ang tatakbo sa anumang posisyon.
“Ibahin mo ako Mr. Llamas… Kahit hindi ako pulitiko, marunong akong sumunod sa partido,” ani Padilla. “May delicadeza po ako. Hindi ako marunong managasa at manuwag ng pinuno at kasama dahil sa ambisyon.”
Dagdag pa ng mambabatas, hindi siya katulad ng ibang mga kaalyado ni Llamas na umano’y nagsasagasaan na dahil sa pansariling interes.
Hindi rin pinalampas ni Padilla ang pagkakataon na hiritan ang personal na aspeto ni Llamas. Binuweltahan niya ang analyst sa pamamagitan ng pagbanggit sa payo ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
“Sundin mo kasi ang payo sa iyo ni Atty. Guanzon. Magsipilyo po kayo. Baho ng lumalabas sa bibig niyo!” matinding hirit ng senador.
Ang palitan ng pahayag ng dalawa ay nag-ugat sa mga naunang kritisismo ni Llamas tungkol sa mga pananaw ni Padilla sa isyu ng West Philippine Sea at ang posibleng epekto ng kanyang pagiging mambabatas sa mga susunod na eleksyon.
