Sa likod ng nagbabagang simula ni Bella Belen sa 2026 PVL All-Filipino Conference, nabunyag na may mas matinding laban pala ang kinakaharap ang star player ng Capital1 Solar Spikers—isang laban na hindi nakikita sa scoreboard.
Bagama’t tila dominante sa loob ng court, inamin ng 23-anyos na dating UAAP MVP na hanggang ngayon ay iniinda pa rin niya ang pinsala sa kanyang kaliwang tuhod at balakang na nagsimula pa bago ang kanyang huling season sa National University (NU).
Ayon kay Belen, naging malaking hamon ang kanyang landing leg (kaliwang binti) na nakaranas ng sprain at strain bago pa man magsimula ang Season 87 ng UAAP.
“Bago pa nu’ng UAAP namin… na-strain, sprain ‘yung back nu’ng knee ko, ‘yung left landing knee. Hanggang sa umaakyat siya sa hips, and then, there was a time na nag-lock yung hips ko. Pabalik-balik ‘yun,” pahayag ni Belen sa SPIN.ph.
Ang naturang kondisyon ang naging dahilan kung bakit nakaranas siya ng discomfort at cramps sa kanyang career-high na 29 points laban sa Choco Mucho, kung saan kinailangan siyang ilabas sa halos kabuuan ng fourth set.
Sa kabila ng iniindang sakit, hindi bumababa sa 20 points ang ginagawa ni Belen sa unang limang laro ng Capital1. Ang kanyang pagiging matatag ay bunga raw ng disiplina at tulong ng kanyang strength and conditioning coach na si Kim Bejo.
Pinasalamatan ni Belen si Coach Kim sa paggabay sa kanya upang manatiling game-ready. Ayon naman kay Bejo, si Belen ay isa sa “pinakamasisipag na atleta” na kanyang nahawakan.
“Kung may iniinda at need mag-extra rehab 2-3x a day, gagawin niya lang para makalaro at makabalik agad,” ani Bejo sa kanyang social media post.
Sa ngayon, patuloy ang pag-angat ng career ni Belen sa pro league habang maingat na pinamamahalaan ang kanyang physical recovery upang masiguro ang tuloy-tuloy na ratsada ng Solar Spikers. (RON TOLENTINO)
