Mas pinalawak pa ng MPower, ang retail electricity supplier ng Meralco, ang partnership nito sa Mr. Freeze Tube Ice Inc. matapos isailalim ang mas marami pang pasilidad nito sa ilalim ng Retail Aggregation Program (RAP).
Ang hakbang na ito ay karugtong ng estratehikong ugnayan ng dalawang kumpanya noong 2025.
Sa bagong kasunduan, apat (4) na karagdagang ice plants sa Greater Manila Area ang makikinabang sa mas mura at de-kalidad na suplay ng kuryente mula sa MPower.
Noong nakaraang Nobyembre, pinagsama-sama (consolidated) ng Mr. Freeze ang demand sa kuryente ng 27 ice plants nito sa Metro Manila. Dahil dito, nagamit ng kumpanya ang bentahe ng Competitive Retail Electricity Market (CREM) upang mas mapababa ang gastos sa operasyon.
“Mahalaga para sa amin ang pagkakaroon ng energy partner na hindi lang sumusuporta sa aming pangangailangan sa kuryente, kundi nagbibigay-daan din sa paglago ng aming negosyo,” ayon kay Gerry Santos, Founder at CEO ng Mr. Freeze.
Hindi na bago ang ugnayan ng dalawa; simula pa noong 2005 ay katuwang na ng Mr. Freeze ang Meralco. Noong 2011, ang Mr. Freeze rin ang kauna-unahang tumanggap ng Luminary Award sa kategoryang small-medium enterprise.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Redel M. Domingo, Meralco Senior Vice President at Head ng MPower, sa patuloy na tiwala ng nasabing kumpanya. Aniya, ang tiwalang ito ang nagtutulak sa MPower na higit pang pagbutihin ang serbisyo para sa lahat ng kanilang mga partner. (MINA PADERNA)
