SWAK ang isang lalaki na wanted sa kaso ng pangmomolestiya sa lalawigan ng Bulacan nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, ang akusado ay isang 34-anyos na freelance technician at kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person (MWP) ng Bulacan.
Nang makatanggap ng impormasyon District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD na nagtatago umano sa Malabon ang akusado, kaagad nilang ikinasa ang manhunt operation laban sa kanya.
Dakong alas-4:40 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng NPD-DSOU ang akusado sa Barangay Potrero, ng Lungsod.
Binitbit ng pulisya ang akusado sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 5, San Jose Del Monte, Bulacan, noong February 4, 2026, para sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to Section 5 ng R.A 7610 na may inirekomendang piyansa na P180,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (JUVY LUCERO)
