Binalewala ng Malacañang ang lumulutang na tambalan nina Bise Presidente Sara Duterte at Senadora Imee Marcos para sa 2028 presidential elections matapos kumpirmahin ng Pangalawang Pangulo ang kanyang planong tumakbo sa pagka-pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang balak magbigay ng reaksyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang tandem na inilutang ni Senador Robin Padilla, kahit pa kasangkot dito ang kanyang sariling kapatid.
“Sila din ang dating tinawag na ‘Team Itim.’ Wala pong maaaring tugon at hindi magre-react ang Pangulo patungkol po diyan,” ani Castro, na tumukoy sa umano’y kasaysayan ng dalawa sa pag-atake sa administrasyon.
Samantala, isang matinding babala naman ang binitiwan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio. Ayon kay Tinio, dapat mapatalsik sa pwesto o ma-impeach si VP Sara upang hindi na muling “mabudol” ang mga Pilipino.
Iginiit ni Tinio na maraming pangako ang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte—gaya ng pagsugpo sa droga, korapsyon, at contractualization—ang hindi natupad, kaya’t kailangang harangan ang kandidatura ng bise presidente.
Sa panig naman ng Liberal Party (LP), itinanggi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na susuportahan niya si Duterte. Binigyang-diin ni Erice na mananatili ang kanyang katapatan kay dating VP Leni Robredo kung ito ay muling tatakbo.
“LP ako. Kay Leni ako,” pahayag ni Erice. Sinabi rin niyang wala silang balak makipag-alyansa sa kampo ni Marcos para lamang labanan si Duterte dahil pareho aniyang may isyu ng korapsyon at “political dynasty” ang dalawang pamilya.
Dagdag pa ni Erice, bagama’t isang malakas na lider si Senadora Risa Hontiveros, nilinaw niya na hindi ito miyembro ng Liberal Party. Pinaboran niya si Robredo dahil sa kawalan nito ng dinastiya sa politika, kumpara sa mga Duterte sa Davao at mga Marcos sa Ilocos Norte.
“Ang advocacy ko anti-political dynasty… walang personalan, prinsipyo lang,” pagtatapos ng mambabatas.
