Isang trahedya ang sumiklab sa Brgy. Ampid 1 nitong gabi ng Lunes, Pebrero 16, 2026, matapos lamunin ng apoy ang ilang kabahayan na nagresulta sa pagkasawi ng isang residente.
Ayon sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, nagsimula ang sunog dakong 9:17 PM sa kahabaan ng 2nd Street, Kalayaan Zone 6. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pamumuno ni FO3 Phil Jhon Gustilo, kasama ang Arson Investigator na si Angel Lucy Samson.
Umabot sa unang alarma ang status ng sunog bago ito tuluyang idineklarang “fire out” dakong 9:45 PM. Sa kasamaang palad, sa gitna ng pag-iinspeksyon ng mga awtoridad, natuklasan ang walang buhay na katawan ng isang biktima sa loob mismo ng kanyang tahanan.
Tinatayang nasa pitong (7) kabahayan ang direktang naapektuhan ng insidente.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian.
