Kalaboso ang bagsak ng isang lalaki matapos itong mangholdap at manaksak ng kanyang biktima sa Sitio Manggahan, Barangay Muntingdilaw, nitong Linggo ng umaga, Pebrero 15. Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery with Attempted Homicide matapos siyang madakip sa tulong ng mga alertong residente at mga opisyal ng barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), naganap ang insidente bandang alas-11:00 ng umaga.
Nilapitan umano ng suspek ang biktima at habang nagbabanta gamit ang isang patalim ay sapilitang kinuha ang halagang ₱300.00 na cash.
Hindi pa nakuntento, tinarakan ng suspek ang biktima sa itaas na bahagi ng kaliwang mata na nagresulta sa pagkakasugat nito.
Tinangka pa umanong saksakin ng suspek ang biktima sa tiyan, ngunit mabilis na nakapanangga ang biktima na nauwi sa agawan ng patalim.
Sa gitna ng kaguluhan, nakialam ang mga concerned residents na nakasaksi sa pangyayari upang pigilan ang suspek at maiwasan ang mas malalang pinsala sa biktima.
Bago tumakas patungong Sitio Lubana, nagbitiw pa umano ng banta sa buhay ng biktima ang suspek.
Bandang alas-12:30 ng tanghali, nakatanggap ng ulat ang mga Barangay Tanod na sina Ildefonso Sanchez at Marlon Alpon.
Sa tulong ni Kagawad Eulisis Cabrera, natunton ang suspek sa isang tindahan sa Sitio Mahayhay kung saan ito agad na dinakip.
Matapos dalhin sa opisina ng barangay, kapwa dinala ang suspek at ang biktima sa Police Community Precinct (PCP) 1 para sa pormal na imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang mga kaso.
