CAINTA, RIZAL – Nahaharap sa kasong Frustrated Murder ang isang head foreman matapos nitong pagbabarilin ang kanyang kasamahan sa trabaho sa harap ng main gate ng isang subdivision sa Barangay Sto. Niño noong gabi ng Valentine’s Day.
Kinilala ng Cainta Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si Joel, residente ng Anak Pawis, Brgy. San Juan. Habang ang biktima naman, na kasalukuyang nakikipaglaban para sa kanyang buhay, ay kinilalang si Jeno, 39-anyos na security guard at residente ng Sunrise Executive Subdivision.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naganap ang madugong insidente bandang alas-10:00 ng gabi noong Pebrero 14.
Pauwi na ang biktima mula sa trabaho nang makasalubong nito sa bukana ng subdivision ang suspek na nasa impluwensya umano ng alak.
Dito na sumiklab ang isang mainit na pagtatalo sa pagitan ng magkatrabaho. Ayon sa mga saksi sa lugar, sa gitna ng komprontasyon at nang walang anumang malinaw na probokasyon o sapat na dahilan mula sa biktima, bigla na lamang bumunot ng caliber .38 revolver ang suspek at sunod-sunod na pinaputukan si Jeno sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Cainta MPS at naaresto ang suspek sa mismong pinangyarihan ng krimen.
Narekober din mula sa pag-iingat ni Joel ang baril na ginamit sa pamamaril. Ang biktima naman ay mabilis na isinugod sa Cainta Municipal Hospital bago inilipat sa One Cainta Hospital para sa mas masusing gamutan.
Bago tuluyang ikulong, dinala muna ang suspek sa One Cainta Hospital para sa medical examination at pormal na binasahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine.
Sa ngayon, nananatiling nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Cainta Police habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa piskalya.
