Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) ang pinalakas na kampanya laban sa HIV matapos ianunsyo na nasa 338 na ang itinalagang HIV care facilities na operational sa buong Pilipinas. Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang HIV prevention at suporta para sa mga People Living with HIV (PLHIV).
Ang mga naturang pasilidad ay nag-aalok ng komprehensibong serbisyo na walang bayad, kabilang ang HIV screening, confirmatory testing, antiretroviral therapy (ART), at counseling. Bahagi rin ng programa ang pamamahagi ng combination prevention methods gaya ng condoms, lubricants, at Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP).
Para sa mga PLHIV na kasalukuyang sumasailalim sa gamutan, available din ang viral load testing upang masiguro na ang virus ay nasa “undetectable levels,” na mahalaga upang maiwasan ang pagpasa nito sa iba.
Mula sa kabuuang bilang ng mga pasilidad, 186 ang matatagpuan sa Luzon, 77 sa Visayas, at 75 naman sa Mindanao. Tinitiyak nito na hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga malalayong lalawigan ay may sapat na access sa serbisyong pangkalusugan.
Bukod sa libreng serbisyo ng DOH, binanggit din ng kagawaran ang Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package ng PhilHealth. Sa ilalim nito, ang bawat pasyente ay maaaring makakuha ng hanggang P58,500 na halaga ng benepisyo bawat taon para sa kanilang gamutan.
Hinimok ng DOH ang mamamayan na huwag mag-atubiling bumisita sa mga akreditadong HIV care facilities para sa libreng testing at konsultasyon. Binigyang-diin ng kagawaran na anuman ang maging resulta ng pagsusuri, may nakahandang suporta at serbisyo ang pamahalaan upang pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng bawat Pilipino.
