Hindi lamang simpleng panalo kundi isang malupit na pahayag ang ibinigay ng Adamson University Lady Falcons matapos nilang walisin ang Ateneo Blue Eagles sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa UAAP Season 88.
Naging highlight ng laban ang pambihirang 16-1 run ng Adamson sa ikatlong set—isang bihirang senaryo sa volleyball na tuluyang nagpabagsak sa moral ng Blue Eagles.
Ayon sa sophomore setter ng Adamson na si Fhei Sagaysay, hindi tsamba ang kanilang ginawang dominasyon. Aniya, bunga ito ng masusing pagbabasa sa kahinaan o vulnerabilities ng Ateneo na nakita na nila noong preseason.
“Nakikita po namin ‘yung [vulnerability nila nu’ng Set 3] kasi we also felt that po sa past seasons,” ani Sagaysay sa panayam ng SPIN.ph. “Natuto rin po kami du’n na dapat maka-side out agad at ‘wag nang hayaan maka-run ‘yung kalaban.”
Dala rin ng Lady Falcons ang kumpyansa mula sa kanilang sweep laban sa Ateneo sa Shakey’s Super League preseason tournament noong nakaraang taon, kung saan nakuha nila ang korona sa Cebu leg.
Pinamunuan ni Sagaysay ang atake ng Adamson sa pamamagitan ng kanyang 13 excellent sets at balanseng pamamahagi ng bola kina Shaina Nitura, Frances Mordi, at rookie na si Abe Segui. Bukod sa pagiging playmaker, nag-ambag din si Sagaysay ng 8 puntos para sa kanyang koponan.
“Depende naman po ‘yun sa nangyayari sa loob ng court. Kapag kailangan ng side-out at hindi makuha ng mga spikers ko ‘yung puntos, ‘yun na ‘yung mga sitwasyong tine-take advantage ko,” dagdag ng setter.
Sa kabila ng impresibong panalo, nanatiling mapagpakumbaba ang Lady Falcons. Inamin ni Sagaysay na kailangan pa nilang pagtrabahuhan ang kanilang “connection” sa loob ng court upang mas maging matibay ang kanilang opensa sa mga susunod na krusyal na laro.
Dahil sa panalong ito, agad na naging “team to watch” ang Adamson ngayong season, lalo na sa kanilang ipinakitang disiplina at kakayahang magpundar ng malalaking kalamangan laban sa mga powerhouse teams. (Ron Tolentino)
