Pinatunayan ng National University (NU) na buhay na buhay ang kanilang tradisyon ng pagrereyna matapos payukuin ang University of Santo Tomas (UST) sa loob ng apat na set, 25-23, 25-19, 23-25, 26-24, sa pagbubukas ng UAAP Season 88 Women’s Volleyball Tournament nitong Linggo sa Mall of Asia Arena.
Sa pagpasok ng bagong era sa ilalim ni head coach Regine Diego, agad na kuminang ang “prized rookie” at reigning UAAP girls’ MVP na si Sam Cantada. Sa gitna ng pagkawala ng mga pambato noon na sina Bella Belen at Alyssa Solomon, binuhat ng 18-anyos na spiker ang Lady Bulldogs sa pamamagitan ng kanyang 21 puntos (17 attacks, 3 aces, 1 block).
Hindi lamang opensa ang ipinamalas ni Cantada, nagtala rin siya ng 14 receptions na naging susi sa matibay na depensa ng defending champions.
Matapos makuha ng NU ang unang dalawang set, tila mawawalis na ang laro nang lumayo ang Bulldogs sa 17-8 iskor sa second set. Gayunpaman, hindi sumuko ang Golden Tigresses at nakuha ang ikatlong set, 23-25, sa kabila ng panandaliang paglabas ng kanilang captain na si Detdet Pepito dahil sa cramps.
Naging dikit ang bakbakan sa ikaapat na set kung saan nabaon ang NU sa 19-23. Dito nagpakitang-gilas si Cantada matapos magpakawala ng tatlong sunod-sunod na service aces upang baligtarin ang momentum. Tuluyang selyado ang panalo para sa NU matapos ang attack error ni Angge Poyos ng UST.
“We got through a very strong team, but it’s still not the end, as it will be a very long road,” ani Coach Diego. “Kailangan naming maging humble ngayong nasa getting-to-know stage pa kami para mas maging better pa.”
Bukod kay Cantada, nag-ambag din ng 18 puntos ang bagong team captain na si Vange Alinsug, habang si Arah Panique ay nagdagdag ng 15 puntos at pitong digs.
Sa panig ng UST, namuno si Angge Poyos na may 18 puntos, habang si Pepito ay nakapagtala ng 12 digs bago ang kanyang iniindang fitness setback.
Dahil sa panalong ito, matagumpay na nasimulan ng NU ang kanilang kampanya para sa isang “three-peat” o tatlong sunod-sunod na kampeonato sa liga. (Ron Tolentino)
