— Tahasang itinatwa ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga alegasyong nakapaloob sa inilabas na dokumento ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor, kung saan idinadawit ang kanyang pangalan bilang isa sa mga umano’y “co-perpetrator” sa mga kinakaharap na kaso ng bansa.
Sa isang opisyal na pahayag nitong Pebrero 15, binigyang-diin ng senador na ang mga paratang ay walang basehan, panig lamang sa iisang pananaw, at malayo sa katotohanan ng kanyang naging tungkulin sa gobyerno.
Ayon kay Go, kailanman ay hindi siya nasangkot, nagkaroon ng kaalaman, o awtoridad sa mga alegasyong binabanggit ng ICC. Nilinaw din niya ang maling impormasyon na siya ay nagsilbi bilang Chief of the Presidential Management Staff (PMS), sa pagsasabing hindi kailanman sumailalim sa kanyang responsibilidad ang nasabing opisina.
“Dispute ko ang mga alegasyong ito na ganap na walang batayan, one-sided, unfair, at walang kaugnayan sa realidad ng aking mga tungkulin bilang Special Assistant to the President (SAP) mula 2016 hanggang 2018, at bilang Executive Assistant sa Davao City mula 1998 hanggang 2016,” anang senador.
Iginiit ni Go na ang kanyang paninilbihan sa ilalim ng administrasyong Duterte ay naaayon sa batas at para sa kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.
“Alam ng aking mga kababayan na ginawa ko lang ang aking trabaho na naaayon sa batas ng tao at batas ng Diyos… Ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos,” dagdag niya.
Tiniyak ng senador na hindi magiging hadlang ang mga “baseless accusations” na ito sa kanyang trabaho sa Senado. Ayon sa kanya, mananatili ang kanyang pokus sa pagsisilbi sa publiko at pagtataguyod ng integridad sa kabila ng kinakaharap na isyu sa internasyonal na hukuman.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang kampo ng senador kung maghahain sila ng pormal na legal na hakbang laban sa pagkakasama ng kanyang pangalan sa nasabing dokumento ng ICC.
