Nagpakitang-gilas ang Filipino center na si Kai Sotto sa gitna ng selebrasyon ng Araw ng mga Puso matapos pangunahan ang Koshigaya Alphas sa isang dominanteng 93-75 na panalo laban sa Sun Rockers Shibuya sa pagpapatuloy ng Japan B.League nitong Pebrero 14.
Nagrehistro ang 7’3″ na higante ng dambuhalang double-double na 15 points at 15 rebounds, kasama ang dalawang assists, na nagpapatunay na tuluyan na siyang nakakarekober mula sa tinamong ACL injury na nagpahinga sa kanya ng halos isang taon.
Ang tagumpay na ito ay nag-angat sa rekord ng Alphas sa 15-23 matapos makabawi mula sa pagkatalo noong nakaraang linggo.
Kasabay nito, naging bida rin si Kiefer Ravena sa isang kapana-panabik na 86-85 na takas ng Yokohama B-Corsairs laban sa Nagoya Fighting Eagles.
Humakot si Ravena ng 21 points at pitong assists upang ungusan ang kapwa Pinoy at dating UP standout na si Francis Lopez na nagtapos naman nang may anim na puntos para sa Nagoya.
Nag-ambag din ng mahalagang minuto si Dwight Ramos para sa Levanga Hokkaido sa kanilang 101-98 na panalo laban sa Toyama Grouses, kung saan nagtala ang Gilas guard ng 10 points, anim na rebounds, at anim na assists.
Sa kabilang banda, naging mailap ang swerte para sa ibang Pinoy imports sa Japan. Sa kabila ng 12 points ni Ray Parks Jr., lumasap ng 71-64 na kabiguan ang Osaka Evessa laban sa Kyoto Hannaryz. Hindi rin pinalad ang tandem nina AJ Edu at Quentin Millora-Brown matapos makalasap ng pagkatalo ang kani-kanilang koponan na Gunma Crane Thunders at Chiba Jets laban sa mas malalakas na katunggali.
Nagtapos si Edu nang may anim na puntos at walong rebounds, habang si Millora-Brown ay nalimitahan sa dalawang puntos lamang.
Samantala sa Korean Basketball League (KBL), muling nahanap ni Kevin Quiambao ang kanyang porma matapos ihatid ang Goyang Sono sa 87-76 na panalo laban sa Hyundai Mobis Phoebus ni Jake Figueroa. Tumabo si Quiambao ng 17 points at pitong rebounds, habang si Figueroa naman ay nagpakita ng kalidad na laro sa loob lamang ng walong minuto kung saan nakapagtala siya ng 12 points.
Patuloy namang namamayagpag sa tuktok ng standings ang LG Sakers ni Carl Tamayo matapos ang isang 80-58 blowout win laban sa Wonju DB. Nagrehistro si Tamayo ng 10 points upang tulungang selyuhan ang 29-12 na rekord ng kanyang koponan.
Sa huling laro, nagwagi rin ang KCC Egis ni William Navarro laban sa Daegu KoGas ni SJ Belangel, 88-76, kung saan nagpakita ng gilas si Belangel bitbit ang 10 points at anim na assists sa kabila ng pagkatalo ng kanilang panig. (Ron Tolentino)
