Sa mga araw at taon na nagdaraan mga Cabalen ko, lalong nababawasan ang tiwala ng ating mga kababayan sa gobyerno. Dahil sa patuloy na paglalantad ng tunay na kulay ng mga pulitko at mga pinuno ng bansa.
Tila unti-unti na ding binabalot ng takot ang sambayang salat sa ano mang uri ng serbisyo mula sa gobyerno. Ang tanong, may pag-asa pa kayang makaahon mula sa hirap ang mga mga Pilipino?
Makatakas pa kaya tayong lahat mula sa kuko ng mga halimaw na mandarambong sa ating bansa na walang inisip kundi ang kanilang sariling kapakanan.
Hanggang kailan magpapatuloy ang ganitong pagtrato ng mga pulitiko at pinuno ng bansang ito sa mamamayang Pilipino na palaging biktima ng kagahamanan ng mga pusakal at mandarambong.
Habang buhay na kayang iindahin at papasanin ng mga Pilipino ang mga pusakal sa gobyerno? Tayo nga ba ang may kasalanan sapagkat tayo ang nagluklok sa kanila.
Ang pulitika ang nagpapagulong sa ating lahat. Dahil sa sobrang paniniwala sa mga pulitikong walang ginawa kundi ang magnakaw sa kaban at magpayaman habang tayong lahat ay naghihintay pa din ng awa at patuloy na nagdarasal na sana maibigay naman sa atin ang mga biyayang matagal na nilang pinakikinabangan.
Hindi natatapos ang bangayan sa pulitika, gamit po ang pondo ng bansa. Pondong dapat sanang tayong lahat ang nakikinabang.
Sa kongreso, pinarurusahan ang mga nagtatanggol sa karapatan ng mga inaaping Pilipino. Sa senado naman nagbabangayan hindi para sa mga mamamayan kundi para sa pansariling interes at sa pulitika.
Saan na papunta ang kinabukasan ng mga Pilipino? Paano makakaahon ang Pilipinas kung ang mga nakaupo mga kuwago? Mga nag-aakusa at nagmamalinis na akala mo napakagagaling at walang kasalanan sa bayan.
Sa inyong palagay mga Cabalen, may magagawa nga ba tayo upang masupil na ang mga mandarambong at mga pusakal sa pamahalaan?
Ang magkapatid na tila mga santo at walang pagkakasala sa mga Pilipino na iniluklok upang pamunuan ang dalawang ahensiya na may kritikal na partisipasyon upang makamit ng presidente ang kanyang hangaring patalsikin ang kanyang mga kalaban ang mga naghahari-harian.
Kung hindi matututo ang mga Pilipino kung paano mamili ng tapat at may pagmamahal sa mga Pilipino malamang hindi na tayo makaahon pa. Sang-ayon ba kayo mga Cabalen?
