Muling nanindigan ang singer-actress na si Angeline Quinto na natural ang kanyang ilong sa kabila ng patuloy na espekulasyon at puna ng mga netizens sa social media.
Sa isang masayang pakikipagkwentuhan sa komedyanteng si Chad Kinis, mariing itinanggi ni Angeline ang bali-balitang sumailalim siya sa rhinoplasty at ipinaliwanag na ang “magic” ng kanyang mga makeup artist ang tunay na dahilan kung bakit tila nag-iiba ang hugis ng kanyang ilong sa harap ng camera.
Bagama’t bukas si Angeline sa usapin ng pagpapaganda, iginiit niya na ang kanyang matangos na ilong ay mana lamang niya sa kanyang mga magulang.
Sa kabila nito, naging tapat ang “Power Diva” sa pag-amin na hindi siya banyaga sa cosmetic procedures sa tulong ni Dr. Vicki Belo. Ibinahagi ni Angeline na sumailalim siya sa liposuction noong 2013 dahil sa hirap siyang bawasan ang taba sa kanyang tiyan, at nagpa-breast reduction din siya noong 2016.
Bukod dito, inamin din niyang sumailalim siya sa deep-set eye surgery at nagsuot ng braces upang mas mapaganda ang kanyang ngiti. Gayunpaman, pagdating sa kanyang ilong, nanatiling “no” ang sagot ng aktres sa kabila ng mga udyok na ipagalaw ito.
Ikinuwento rin ni Angeline na sumangguni na siya noon sa Belo Clinic para sa posibleng “alar trim” upang pakitirin ang kanyang butas ng ilong, ngunit kaagad siyang umatras nang irekomenda ng mga doktor na itaas din ang bridge ng kanyang ilong.
Ayon sa singer, natakot siyang baka lalong mag-iba ang kanyang itsura kaya mas pinili na lamang niyang panatilihin ang natural nitong hubog.
Sa huli, tinanggap na lamang niya ang mga sabi-sabi ng mga tao, habang patuloy na ipinagmamalaki ang galing ng kanyang glam team sa pag-contour at pagpapatingkad ng kanyang natural na ganda.
